Sa ngayon, marami na ang naisulat at naibalita tungkol sa “Blog ni Ella”. Ang tinutukoy ko ay ang tungkol sa mga relief goods na nakaimbak sa DSWD warehouses. Malamang alam niyo na ang tungkol don. Naisipan kong isulat ang blog na ito bilang tugon sa panawagan ni Ella na ikalat ang bagay na ito.
Sa totoo lang, di na ko masyadong nagulat sa balitang ito. Di na bago sa pandinig ko to. Sa mga nakaraang kalamidad sa buong bansa, marami na akong narinig na kwento tungkol sa mga ganitong pangyayari. Kahit sa probinsya ay may mga ganitong eksena. Pero ganunpaman, nabigla pa rin ako sa mga larawang nakunan nina Ella. At hindi rin ako makapaniwalang “walang volunteers”. Susme! Nag-uumapaw ang mga nais mag-volunteer… pero kung may “screening” pa ngang nagaganap, aba eh talagang pahirapan yan. May qualifications pa ba ang pagiging volunteer?
May mga nag-react na dapat daw eh hindi na nagsulat ang blogger na si Ella tungkol sa mga nakita at nalaman niya sa DSWD warehouse dahil nakakahiya daw. Aba! Talagang nakakahiya! Lalo na sa mga bansang nag-abot ng tulong at sa mga DAPAT na tumanggap ng tulong na yon.
Nakakainis lang isipin na nagtitiis sa uhaw, gutom at lamig ang ating mga nasalantang kababayan at nagkukumahog naman sa pagtulong ang mga NGOs at ilang pribadong organisasyon at indibidwal para lamang kahit papano ay makapag-abot ng dagdag na tulong sa mga nangangailangan… tapos… tapos… haaay!… nakakakulo ng dugo! Bakit nga ba hindi maipamigay AGAD ang mga yan? Well, may kasabihan nga, kung GUSTO, maraming PARAAN… kung AYAW, maraming DAHILAN. Ano bang hinihintay nila?… PASKO?… ELEKSYON?… Anong GO signal ba ang kailangan?
Eto ang ilan sa mga larawang naibahagi sa atin ni Ella.
Pero binasa ko pa rin ang statement ng DiviSWD, este DSWD sa pangunguna ni Sec. Esperanza Cabral. Napakahaba ng kanyang tugon/paliwanag ukol sa isyu at ayoko ng i-repost dito. Puntahan nyo na lang ang website nila para mabasa nyo at kalkalin nyo na rin ang site para sa iba nyo pang katanungan. http://www.dswd.gov.ph/
Mas maganda rin kung silipin nyo ang Blog ni Ella dahil yun ang puno’t-dulo ng lahat ng ito. Don nyo makikita ang mga updates at ilang impormasyon na di ko maibibigay.
Bahagi ng statement ng DSWD ang nagsasabing –
“We would like to assure all of you that the relief goods will reach the intended beneficiaries as they become necessary and will be used only to assist them.”
At ayon kay Sec. Cabral –
“Some [of the goods] will be reserved. It depends on whether we’ve fulfilled the emergency needs. If those goods are required for emergency release, then it will all be released for emergency relief. If some goods are left behind, then they will be used for recovery and rehabilitation.” – ABS-CBN news
“as they become necessary…” “emergency…” — what the…?! Di pa ba “emergency” situation tong nangyayari ngayon?! Nasaan ang sense of urgency? NGAYON nagugutom ang mga tao… NGAYON namamaluktot sa lamig ng sahig ang mga evacuees sa mga evacuation centers… KAILAN tutugunan yon? Sa tingin ba nila sapat ang isang supot ng relief na natatanggap ng mga nasalanta para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan? At kahit pa paulit-ulit pa silang tumanggap ng “supot” na yan, pansamantala lamang yan. At dagdag na tulong sana kung naipapamigay din ang mga nasa loob ng bodegang yon.
Normal na ipagtanggol ni Sec. Cabral ang kanyang ahensya pero sa panahon ngayon, kahit anong paliwanag pa siguro ang gawin, ay hindi na mahalaga. Aksyon ang kailangan.
Sana dumami pa ang mga katulad ni Ella na hindi tumatahimik lang sa mga bagay na dapat ay pag-ukulan ng pansin, gano man ito ka-sensitibo.
Sa ngayon na nabulabog na ng isang “hamak na blogger” ang ahensya, tutukan na lang natin kung kelan at san nga ba mapupunta ang sandamukal na kaldero, kumot, banig, atbp. na nakaimbak sa bodega ng DiviSWD… Matanong ko lang, san ba ang pwesto nila?… Watch out, 168 Mall.
——————–
UPDATES:
10/24 pm - Nakita ko sa news kanina na binuksan na ng DSWD ang kanilang mga bodega sa media. At kung hindi nagkakamali ang aking mga mata, nagkukumahog na sa pag-repack ang mga volunteers/employees… pwede naman pala eh… kaya naman… bakit hindi ginawa agad?… kinailangan pa ng isang Ella. haaay…
10/25 pm – Marami nang naglalabasang reaksyon ukol sa “DSWD Relief Controversy”. May mga maka-Ella at may maka-DSWD/gobyerno. May kanya-kanya tayong opinyon, kanya-kanyang paniniwala, at kanya-kanyang pinapanigan. Pero wag sana tayong lumayo sa isyu. Ang isyu ay MARAMING NAKAIMBAK NA RELIEF GOODS SA BODEGA NG DSWD. Kung anuman dahilan at halos di gumagalaw ang mga ito ay mahirap ng tuntunin. Hugas kamay na lahat. Kung hindi intensyon na “itago” o “itabi” ang mga ito, ibig sabihin lamang ay may naging PAGKUKULANG sa sistema ng ahensya ukol sa kanilang relief operations. Masyado silang mabagal. Kung hindi nila kaya dahil ayon nga sa kanila, “kulang ang volunteers”… Maraming paraan. Kung kinakailangan ng imbentaryo, sana binilis-bilisan. Panawagan sila ng panawagan ng tulong, inako nila lahat ng donasyon… Noong dumagsa, hindi naman pala nila kayang ipamigay AGAD.
Noong kasagsagan ng relief operations, may mga foundations/organizations na pinapauwi na ang ibang volunteers dahil sobra-sobra na. Yung iba naman may mga volunteers wala namang goods. Kaya di ko maintindihan ang rason na “kulang ang volunteers”. Dahil ba walang gustong magvolunteer sa kanila? Kung ganon, bakit? O dahil mahigpit ang mga patakaran nila? Eh di sana, ipinasa nila sa ilang NGOs or pribadong organisasyon ang ilan sa mga donasyong nakalap nila para lang maipamahagi na ng maaga. Ganon din naman yun eh. Sa mga nasalanta din naman ang punta non. Oo, hindi ako ang nandoon kaya madaling magsalita. Pero yon ang totoo eh.
May mga nababasa akong reaksyon na bakit daw pinaparatangang “ninanakaw” o “inilalaan sa eleksyon/politika” ang mga relief goods. Sa pananaw ko, dalang-dala na ang mga tao sa mga “palusot” ng gobyerno sa mga nakaraang “scenario” sa ating bansa. Sa ngayon, “haka-haka” pa lang po yan ng madla dahil nga hindi makapagbigay ng malinaw na paliwanag ang mga kinauukulan. Kung hindi, eh di patunayan na lang nila. Ang punto lang dito, ipamigay agad ang mga tulong na yan sa nararapat pagbigyan — NGAYON, hindi bukas, hindi makalawa, hindi sa susunod na kalamidad (dahil walang may gusto non), at lalong hindi sa eleksyon. NGAYON ang tamang panahon.
Marami nang tumututok sa isyung ito. Panigurado bubukas na ang mga kahon, lalatag na ang mga banig, at kakalampag na ang mga kaldero. Kailangan natin ng tulong, di ba? Ayan na. Kilos na.
Hindi po nilalahat dito ang mga tauhan ng DSWD. Ang tinutukoy sa mga usaping ito ay ang DSWD bilang isang ahensya ng gobyerno at hindi ang mga taong naninilbihan dito. Hindi maiiwasang mabanggit si Sec. Cabral sapagkat isa siya sa kinauukulan sa bagay na ito. Pero para sa daan-daang empleyado ng DSWD na walang sawang naninilbihan sa kabila ng lahat, lalo na sa mga probinsya, andyan ang aming paghanga at pasasalamat. Masakit mang tanggapin pero ito ang realidad ng ating sistema.














maze20
October 24, 2009 at 9:17 pm
naguguluhan ako, pero i think kailangan nating pakingggan din both sides. but nakakalungkot din syempre kung totoo to. Gush! Kapal ng Mukha!
anino
October 24, 2009 at 10:47 pm
tama ka dyan.. let’s be fair. pero narinig (nabasa) na natin ang statements ng both sides. nasa atin na kung anong papaniwalaan natin. ang sa akin lang, sana makarating sa mga nararapat ang mga goods na yan. Kung hindi man ito “sadyang itinatago o itinatabi”, ibig sabihin lang eh may kulang o mali sa sistema dahil hindi magawa ng agaran ang pagbibigay ng mga tulong na yan. NGAYON NA YAN KAILANGAN. Ano pa bang hinihintay?
ruben
October 24, 2009 at 10:25 pm
hay nmn…kya tlga wla tyong asenso… pati ba nmn mga bagay na dpat itulong sa iba,.. ninanakaw pa..
anino
October 24, 2009 at 10:56 pm
nagpaliwanag na ang DSWD… hindi naman daw “sadyang itinatago”, may sinusunod lang daw na sistema at inilalaan ang pagbibigay ng mga tulong na yan sa “tamang panahon”. Ang tanong, KAILAN YUN?!
ruben
October 25, 2009 at 8:40 pm
So mean kailngan pa bang mag-antay na may panibagong bagyo ulit na dumating o kaya nmn intayin na magutom un mga tao bgo ibigay un mga relief… maging lupa man ang tubig” wla silang lusot… Khit saan ahensya o companya may tamang sistema na dpat sundin… SInasadya lng nila na hindi ito sundin… sa dami ng tao sa pilipinas na nangangailangan ng tulong HINDI pa ba ito ang TAMANG PANAHON…
anino
October 25, 2009 at 9:35 pm
korek! read my updates.
at kung “inefficiency” nga lang ang naging problema… siguro naman oras na para itama ang mga bagay-bagay.
kaye
October 27, 2009 at 9:25 am
whether it was true or not, that DSWD was hoarding all the relief goods, maganda pa rin na they were compelled to be transparent. They are working for the government, and ultimately, the people. therefore, they are very much accountable to all of us Filipinos. I am one of those who donated a few pesos to PNRC and Unicef’s typhoon fund drive and it is only just and right that I also find out where my donations went. hindi ako mayaman pero dahil alam ko ang pangangailangan ng mas nakararami, i decided to shell out a few of my hard-earned money. nakalulungkot naman kung yung pinaggamitan nun ay nakaimbak lang yun sa mga bodega ng DSWD dahil “walang volunteers.”
Whether DSWD’s statements are true, they are only secondary to the people’s right to know. saludo pa rin ako kay ella. at gaya nga ng sinabi mo, pwede naman palang ibukas ang mga bodega at gawing mas mabilis ang relief operations, e bakit kelangan pang may mag-blog tungkol dito? kung di kasi pupukpukin, patuloy na matutulog sa pansitan. hay naku.
anino
October 27, 2009 at 10:47 am
oo nga eh.. kelangan pang kalampagin para magising! di ba nila pwedeng i-mobilize ang mga tauhan nila? state of calamity tapos ahensya mismo ng gobyerno, lalamya-lamya! di ko lang kasi maintindihan kung ANO ba yung hinihintay para maipamigay ang NAPAKARAMING goods na yon? kasi kung paninindigan nila ang mga statements nila, na kesyo may mga protocols o sistema silang sinusunod, eh di sana kahit may nagsulat na tungkol sa warehouse nila, ganon pa rin. hindi sila matataranta at magkukumahog na magrepack at magdistribute tulad ng ginagawa na nila ngayon?
ODDBLOOD
November 4, 2009 at 5:34 pm
mali talaga ang DiviSWD kahit ano pa’ng sabihin nila..dahil ibinigay yung yung mga donations na ‘yon for that particular time of need tapos tinitipid nilang ipamigay gayong kailangang kailangan talaga? galing! wala silang karapatan na itago ang mga donations dahil pagdidistribute lang ang dapat nilang ginagawa..hays..
anino
November 4, 2009 at 5:59 pm
Tama! yung mga relief na yun ay nakalaan sa KASALUKUYANG pangangailangan at hindi kelangang itago o itabi para sa mga PARATING pang kalamidad. Sinadya man o hindi, sadyang palpak yung sistema nila.. kasi kung hindi, hindi sila masisilipan ng ganitong klaseng “kakulangan”.